Skip to content
Opens in a new window
Listen to this chapter • 3:43

[1] Mga kapatid, bilang pagtatapos, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at parangalan ng lahat, tulad ng ginawa ninyo.

[2] Idalangin din ninyong maligtas kami sa mga taong mapaminsala at masasama, sapagkat hindi lahat ay may pananampalataya sa Diyos.

[3] Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapatatag at mag-iingat sa inyo laban sa Masama.

[4] Dahil sa Panginoon, malaki ang aming pagtitiwala na sinusunod ninyo at patuloy na susundin ang mga itinuro namin sa inyo.

[5] Patnubayan nawa kayo ng Panginoon upang lalo ninyong maunawaan ang pag-ibig ng Diyos at ang katatagang nagmumula kay Cristo.

[6] Mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo na layuan ninyo ang sinumang kapatid na tamad at ayaw sumunod sa mga turo na ibinigay namin sa inyo.

[7] Alam naman ninyo na dapat ninyong tularan ang aming ginawa. Hindi kami naging tamad nang kami'y kasama pa ninyo.

[8] Hindi kami nakikain kaninuman nang walang bayad. Nagtrabaho kami araw-gabi upang hindi makabigat kaninuman sa inyo.

[9] Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang kayo'y bigyan ng halimbawang dapat tularan.

[10] Nang kami ay kasama pa ninyo, ito ang itinuro namin sa inyo, “Ang ayaw magtrabaho ay hindi dapat kumain.”

[11] Binanggit namin ito dahil nabalitaan naming may ilan sa inyong ayaw magtrabaho, at walang inaatupag kundi ang makialam sa buhay ng may buhay.

[12] Sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, mahigpit naming iniuutos sa mga taong ito na sila'y maghanapbuhay nang maayos at huwag umasa sa iba.

[13] Mga kapatid, huwag kayong magsasawa sa paggawa ng mabuti.

[14] Maaaring mayroon sa inyo diyan na hindi susunod sa sinasabi namin sa sulat na ito. Kung magkagayon, tandaan ninyo siya at huwag kayong makisama sa kanya, upang siya'y mapahiya.

[15] Ngunit huwag naman ninyo siyang ituring na kaaway; sa halip, pagsabihan ninyo siya bilang kapwa mananampalataya.

[16] Ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang siya nawang magkaloob sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng paraan at pagkakataon. Nawa'y sumainyong lahat ang Panginoon.

[17] Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito. Ito ang aking lagda sa lahat ng sulat ko. Ganito ako sumulat.

[18] Sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

2 Tesalonica — Chapters