Skip to content
Opens in a new window
Listen to this chapter • 2:49

[1] Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao.

[2] Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal.

[3] Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas.

[4] Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito.

[5] Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.

[6] Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon.

[7] Dahil dito, ako'y pinili upang maging mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan para sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling!

[8] Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa.

[9] Ang mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at kagalang-galang sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas.

[10] Sa halip, ang maging palamuti nila ay ang mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos.

[11] Ang mga babae ay dapat matuto nang tahimik at nagpapasakop.

[12] Hindi ko pinapayagan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki, kundi dapat silang manahimik.

[13] Sapagkat unang nilalang si Adan bago si Eva,

[14] at hindi si Adan ang nadaya kundi si Eva ang nadaya at nagkasala.

[15] Ngunit maliligtas ang babae sa pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.

1 Timoteo — Chapters