Skip to content
Opens in a new window
Listen to this chapter • 1:53

[1] Sumusulat kami sa inyo tungkol sa kanya na sa simula pa'y siya na, ang Salitang nagbibigay-buhay. Siya ay aming narinig at nakita, napagmasdan at nahawakan.

[2] Nahayag ang buhay na ito, nakita namin siya, at pinapatotohanan namin at ipinapangaral sa inyo ang buhay na walang hanggan na kasama ng Ama, at nahayag sa amin.

[3] Ipinapahayag nga namin sa inyo ang aming nakita't narinig upang makasama kayo sa aming pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo.

[4] Isinusulat namin ito upang malubos ang aming kagalakan.

[5] Ito ang aming narinig sa kanyang Anak at ipinapahayag naman namin sa inyo: ang Diyos ay liwanag at walang anumang kadiliman sa kanya.

[6] Kung sinasabi nating tayo'y may pakikiisa sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay ayon sa katotohanan.

[7] Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, gaya niya na nasa liwanag, tayo'y nagkakaisa at ang lahat ng ating kasalanan ay nililinis ng dugo ni Jesus na kanyang Anak.

[8] Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan.

[9] Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid.

[10] Kung sinasabi nating hindi tayo nagkasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita.

1 Juan — Chapters