Skip to content
Opens in a new window

[1] Si Pablo, ang alipin ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo ayon sa pananampalataya ng mga pinili ng Diyos at ayon sa lubos na kaalaman ng katotohanan na naaayon sa pagiging makadiyos,

[2] ayon sa pag-asa sa buhay na walang hanggan na ipinangako ng Diyos na hindi sinungaling bago ang mga kapanahunan ng walang hanggan,

[3] ngunit sa takdang panahon ay ipinahayag niya ang kaniyang salita sa pamamagitan ng pangangaral na ipinagkatiwala sa akin ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas.

[4] Kay Tito, ang tunay kong anak ayon sa pananampalatayang nasa ating lahat, sumaiyo ang biyaya, kahabagan at kapayapaang mula sa Diyos Ama at Panginoong Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas.

[5] Dahil dito ay iniwan kita sa Creta upang iyong ayusin ang mga bagay na kulang sa kaayusan at kagaya ng ipinagbilin ko sa iyo, ikaw ay magtalaga ng matatanda sa bawat lungsod

[6] kung mayroong sinuman na hindi napupulaan, asawa ng isang babae at may mga anak na mananampalataya na hindi pinaratangan na walang pagpipigil sa sarili o masuwayin,

[7] sapagkat ang tagapangasiwa ay dapat hindi napupulaan bilang katiwala ng Diyos, hindi ipinipilit ang sariling kagustuhan, hindi magagalitin, hindi manginginom ng alak, hindi palaaway at hindi gahaman sa masamang kapakinabangan.

[8] Sa halip ay bukas ang kaniyang tahanan sa mga dayuhan, maibigin sa mabuti, maayos ang pag-iisip, matuwid, banal, mapagpigil sa sarili,

[9] pinanghahawakan ang matapat na salita ayon sa katuruan upang sa pamamagitan ng mabuting katuruan ay makakaya rin niyang mahimok at masaway sila na mga sumasalungat.

[10] Dahil marami ang mga masuwayin, mga nagsasalita nang walang kabuluhan at mga mapanlinlang lalung-lalo na yaong mga nasa pagtutuli,

[11] na ang mga bibig ay dapat pigilan, na mga nagwawasak ng mga buong sambahayan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga bagay na hindi marapat dahil sa pagkagahaman sa masamang kapakinabangan.

[12] Isa mismo sa kanilang sariling propeta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay palaging sinungaling, masasamang hayop at mga matakaw na tamad.”

[13] Ang balitang ito ay totoo. Dahil dito, masikap mong sawayin sila upang sila ay maging matibay sa pananampalataya,

[14] upang sila ay hindi makinig sa mga alamat ng mga Judio at sa mga utos ng mga taong tumatalikod sa katotohanan.

[15] Ang lahat nga ng mga bagay ay malinis sa taong malinis, ngunit sa mga nadungisan at sa mga hindi mananampalataya ay walang bagay na malinis subalit kahit ang kanilang pag-iisip at budhi ay nadungisan na.

[16] Kanilang ipinahahayag na kilala nila ang Diyos ngunit sa kanilang mga gawa ay kanilang ipinagkakaila ito. Sila ay mga kasuklam-suklam, mga masuwayin at mga walang karapatan sa anumang gawang mabuti.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Kay Tito — Chapters