[1] “Mga ginoo, mga kapatid at mga ama, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na ginagawa ko sa inyo ngayon.”
[2] At nang narinig nilang siya ay nagsasalita sa kanila sa wikang Hebreo, sila ay lalong tumahik. Sinabi niya,
[3] “Ako nga ay isang lalaking Judio na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia ngunit pinalaki sa lungsod na ito sa paanan ni Gamaliel, na naturuan ayon sa mahigpit na kautusan ng ating mga ninuno, at may kasigasigan sa Diyos katulad din ninyong lahat ngayon.
[4] At pinagmalupitan ko ang Daan na ito hanggang sa kamatayan, sa pamamagitan ng panggagapos at pagdadala ng mga lalaki at ng mga babae sa mga bilangguan
[5] katulad din ng pagpapatotoo sa akin ng pinakapunong saserdote at ng lahat ng matatanda kung kanino ko tinanggap ang mga sulat patungkol sa mga kapatid. Ako ay naglakbay patungong Damasco upang ang mga iginapos doon ay maidala ko sa Jerusalem upang sila ay maparusahan.
[6] “Subalit nangyari, na habang ako ay naglalakbay at papalapit sa Damasco nang magtatanghaling-tapat, biglang nagningning sa paligid ko ang isang napakaningning na liwanag na nagmula sa langit.
[7] Bumagsak ako sa lupa at narinig ko ang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinagmamalupitan?’
[8] At ako ay sumagot, ‘Sino ka, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Ako ay si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinagmamalupitan.’
[9] “At nakita nga ng mga kasama ko ang liwanag at sila ay natakot ngunit hindi nila narinig ang tinig niyaong nagsasalita sa akin.
[10] Kaya sinabi ko, ‘Ano ang dapat kong gawin, Panginoon?’ At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tumindig at pumunta ka sa Damasco at doon ay sasabihin sa iyo ang patungkol sa lahat ng mga bagay na itinalagang gawin mo.’
[11] Nang hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, habang ako ay inaakay ng mga kasama ko, ako ay nakarating sa Damasco.
[12] “Ngunit si Ananias, na isang taong tapat ayon sa Kautusan, na mayroong mabuting patotoo sa lahat ng mga Judiong naninirahan doon,
[13] ay lumapit at tumayo sa tabi ko at kaniyang sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, tanggapin mo ang iyong paningin.’ At ako ay tumingin sa kaniya sa oras ding iyon.
[14] At sinabi niya, ‘Ang Diyos ng ating mga ninuno ang nagtalaga sa iyo nang una pa, upang malaman mo ang kaniyang kalooban at upang makita mo yaong Matuwid, at upang marinig mo ang tinig mula sa kaniyang bibig
[15] sapagkat ikaw ay magiging saksi niya sa lahat ng mga tao patungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig.
[16] At ngayon, bakit ka pa naghihintay? Yamang tumawag ka sa pangalan ng Panginoon, tumindig at magpabawtismo ka at hugasan ang iyong mga kasalanan.’
[17] “At nangyari nang ako ay bumalik sa Jerusalem, habang ako ay nanalangin sa templo, ako ay nagkaroon ng pangitain
[18] at nakita ko ang Panginoon na nagsasabi sa akin, ‘Magmadali ka at umalis ka kaagad sa Jerusalem sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo patungkol sa akin.’
[19] Ngunit sinabi ko, ‘Panginoon, nalalaman nila na sa bawat sinagoga ay aking ibinibilanggo at hinahampas ang mga sumampalataya sa iyo.
[20] At nang nabuhos ang dugo ni Esteban na iyong saksi, ako mismo ang nakatayo sa malapit at sumasang-ayon sa pagpatay sa kaniya at ako ang nagbabantay sa mga damit ng mga pumapatay sa kaniya.’
[21] At sinabi niya sa akin, ‘Humayo ka sapagkat isusugo kita sa mga Gentil na nasa malayo.’ ”
[22] At siya ay pinakinggan nila hanggang sa mga pananalitang ito at pagkatapos sila ay sumigaw na sinasabi, “Alisin mula sa lupa ang ganiyang tao sapagkat hindi siya karapat-dapat mabuhay.”
[23] At habang sila ay sumisigaw at ihinahagis ang kanilang mga damit at nagsasabog ng mga alabok sa hangin,
[24] ang pinunong kapitan ay nag-utos na ipasok si Pablo sa himpilan at sinabing siya ay siyasatin sa pamamagitan ng paghagupit upang malaman niya kung ano ang dahilan na sumisigaw nang ganito ang mga tao laban sa kaniya.
[25] Ngunit nang siya ay naigapos nila ng panaling balat, sinabi ni Pablo sa senturion na nakatayo sa malapit, “Ipinapahintulot ba sa inyo na hagupitin ang isang taong mamamayan ng Roma kahit hindi nahatulan?”
[26] Nang ito ay narinig ng senturion, siya ay pumunta at nagbalita sa pinunong kapitan na sinasabi, “Mag-ingat ka sa binabalak mong gawin sapagkat ang taong ito ay mamamayan ng Roma.”
[27] Kaya lumapit ang pinunong kapitan at sinabi sa kaniya, “Sabihin mo sa akin, ikaw ba ay mamamayan ng Roma?” Sinabi niya, “Oo.”
[28] Sumagot din ang pinunong kapitan, “Nakamtan ko ang pagkamamamayang ito sa malaking halaga.” At sinabi ni Pablo, “Ngunit ako naman ay ipinanganak na gayon.”
[29] Kaya lumayo kaagad sa kaniya ang mga nagbabalak na magsiyasat sa kaniya at ang pinunong kapitan ay natakot din nang nalaman niya na si Pablo ay mamamayan ng Roma, at dahil siya ang nagpagapos sa kaniya.
[30] At kinabukasan, sa pagnanais niyang malaman ang katotohanan kung bakit isinakdal si Pablo ng mga Judio, siya ay kaniyang pinakawalan sa pagkagapos at ipinag-utos na magtipon ang mga punong saserdote at ang kanilang buong Sanhedrin. At nang naipababa na si Pablo, siya ay kaniyang iniharap sa kanila.